Infectious Diseases

Ubo na Hindi Gumagaling? Alamin ang Tungkol sa Tuberculosis (TB)

Published on December 1, 2025 by Admin

Advertisement

Ang Tuberculosis o TB ay isa pa ring malaking problema sa Pilipinas. Ito ay sanhi ng bacteria na Mycobacterium tuberculosis na kadalasang umaatake sa baga. Ang good news? Ang TB ay nagagamot at pwedeng gumaling nang tuluyan basta't susunod sa gamutan.
Paano ito Nakakahawa?
Ang TB ay airborne. Ibig sabihin, kapag ang isang taong may aktibong TB ay umubo, bumahing, o nagsalita, tumatalsik ang maliliit na droplets na may bacteria sa hangin. Kapag nalanghap ito ng iba, pwede silang mahawa. Tandaan, hindi ito nakukuha sa paggamit ng kutsara't tinidor o pagpapahiram ng damit, pero mas mainam pa rin ang pag-iingat.
Sintomas ng TB
Magpakonsulta agad sa PPH-OPD kung nararanasan mo ito:
Ubong tumatagal ng 2 linggo o higit pa.
Pag-uubo na may kasamang dugo.
Lagnat lalo na sa hapon.
Pagpapawis sa gabi (night sweats).
Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang.
Ang DOTS Program
Huwag matakot magpagamot dahil mahal ang gamot. Sa ilalim ng National TB Control Program, LIBRE ang gamutan sa mga health centers at government hospitals. Ang tawag dito ay DOTS (Directly Observed Treatment, Short-course).
Ang kailangan lang ay disiplina. Kailangang inumin ang gamot araw-araw sa loob ng 6 na buwan nang walang palya. Kapag itinigil mo ang gamutan, pwedeng maging "Drug Resistant" ang TB at mas mahirap na itong gamutin. Magpa-Xray at Sputum test na para makasigurado.

Advertisement